UMAAPAW sa kasinungalingan ang upak ni Horacio Paredes sa mga welgista sa Goldilocks sa kanyang sulatin sa Malaya, Abante at blog http://www.duckyparedes.com/blogs/2010/03/18/magulo-ang-mga-maka-kaliwa/ noong Marso 18, 2010.
Unang kasinungalingan ni Paredes: Sa halalan, nanalo ang BUKLOD, at siyempre ang sigaw ng BISIG eh dinaya sila.
Ang totoo: Ginoong Paredes, dinaig mo pa si Garci! Ang opisyal na iskor ayon sa rekord ng BLR-DOLE na nagconduct ng eleksyon na ginanap noong Agosto 6, 2007 ay: Bisig—764 votes, Buklod—653 votes. Lamang ang Bisig ng 111 votes. Dahil sa iskor na ito, idineklara ng opisina ng Sekretaryo ng DOLE na SEBA o sole and exclusive bargaining agent ang Bisig noong Marso 17, 2008, matapos dinggin ang napakaraming election protests ng Buklod.
Ikalawang kasinungalingan ni Paredes: Nilapitan nila ang management ng Goldilocks, at pinilit silang ideklara na panalo ang BISIG.
Ang totoo: Kailanman, di naghabol ang Bisig sa resulta ng eleksyon. Ang Buklod ang naghabol noon. Tingnan ang mga rekord sa DOLE. Tapos ng usapin ito noon pang Marso 17, 2008!
Nang ideklara ng DOLE na panalo sa halalan at bilang certified SEBA, agad na naghain ang Bisig ng proposal para sa kapakanan ng lahat ng rank and file employees pero ito ay inisnab ng manedsment hanggang ngayon. Matigas ang ulo ng manedsment, ayaw sundin ang batas. Ang gusto ng manedsment na makaharap sa negosasyon ay ang talunang tuta nitong Buklod na isinuka na ng mayorya ng manggagawa sa Goldilocks.
Ikatlong kasinungalingan ni Paredes: Ilang mga dating empleyado (na nahaluan na din ng mas nakararaming pulahan at bayaran na walang kinalaman sa Goldilocks) ay nakaharang sa harap, at walang hinahayaang pumasok o lumabas.
Ang totoo: Mayorya ng nasa piket ay empleyado ng Goldilocks—tinanggal at di tinanggal. Yung ibang di empleyado ng Goldilocks ay kapwa manggagawa sa ibang pabrika at kalapit na komunidad. Sila ay kusang sumusuporta sa laban ng manggagawa sa Goldilocks. Solidarity ang tawag dito. Ginoong Paredes, iharap mo sa midya ang nakausap mong bayaran at pulahan na nagpipiket upang mapatunayan ang sinasabi mo at hindi lang pure and simple propaganda.
Ikaapat na kasinungalingan ni Paredes: Kinadena nila ng pilit ang mga gate.
Ang totoo: Ang manedsment mismo ang nagpawelding sa mga gate. May video footage na magpapatunay niyan. Puntahan nyo ang mga nagpipiket at ipakikita sa inyo ang video na tao ng manedment ang nagwelding sa gates.
Ikalimang kasinungalingan ni Paredes: At ano naman ang hinanakit nitong mga nag-ra-rally? Sobra ba silang na-dehado ng kumpanya kaya dinala na lang nila sa kalsada ang kanilang mga sama ng loob? Ang katotohanan, ang puno’t dulo nito ay katigasan ng ulo at makitid na utak.
Ang totoo: Ang mitsa ng welga ay ang pagtanggal sa trabaho sa 127 lider at aktibong kasapi ng unyong Bisig na matiyagang kumikilos ayon sa kanilang mga karapatang itinatadhana ng Labor Code at Konstitusyon ng Pilipinas. Inalisan ng hanapbuhay, inalisan ng makakain ang 127 pamilya. At pag di pumalag ang Bisig ay marami pang tatanggalin sa trabaho dahil sa plano ng manedsment na palitan ang mga regular ng kontraktwal—mas mababa ang sweldo at benepisyo at di kikibo anumang katarantaduhan ang gawin ng manedsment. Iyan ang labag sa batas! Ikaw kaya Ginoong Paredes ang alisan ng hanapbuhay at agawan ng pagkaing isusubo na lang ng iyong mga anak?
At ang ugat ng usaping ito ay ang pag-ayaw ng manedsment ng Goldilocks na harapin sa negotiating table para makabuo ng collective baragining agreement ang panalong unyong Bisig na duly certified sole and exclusive bargaining agent of all rank and file employees of Goldilocks matapos ang eleksyon higit 2 taon na ang nakararaan at ang gusto ng manedsment na makaharap ay ang talunang Buklod na isang company union o tuta nito. Kaya para mawasak ang nanalong alternatibong unyong Bisig, sari-saring pakana ang ginawa ng manedsment gaya ng gawa-gawang kaso sa pangulo, at sa iba pang lider at aktibong miembro na siyang dinidinig sa NLRC. Dito nagkabuhul-buhol sa usaping legal ang Glodilocks management at ang NLRC.
Di naman magwewelga ang mga manggagawa kung ang manedsment ay di nagtanggal at sineryoso nito ang pakikipag-usap sa mga unyunistang nanalo sa halalan. Patunay dito ang ilang beses na pag-atras ng Bisig sa Notice of Strike na ipinayl nito sa DOLE sa tuwing mangangako ang manedsment na makikipag-usap na.
Ikaanim na kasinungalingan ni Paredes: May mga tao kasi na kapag di nakuha ang kanilang gusto, dinadaan sa gulo.
Ang totoo: Ang magwelga ay di panggugulo. Ito ay legal na paraan ng sinumang manggagawa para makamtan ang pagpapahusay ng kalagayan sa loob ng pabrika gaya ng (1) pagtataas ng sweldo at benepisyo, (2) makataong kalagayan sa pagtatrabaho, (3) security of tenure o kaseguruhan na may trabaho, (4) matupad ang karapatan na magkaron ng sariling organisasyon na di nadidiktahan ninuman laluna ng manedsment, (5) maipatupad ang karapatan para sa sama-samang pakikipagtawaran o makapagbuo ng collective bargaining agreement. Lahat ng iyan ay karapatan ng sinumang manggagawa na nakasaad sa Labor Code of the Philippines at sa Philippine Constitution.
At ang MAGWELGA ay karapatan din na nasa Konstitusyon (see article on Social Justice, Philippine Constitution) at Labor Code.
Ang magulo ay ang management. Ayaw nitong harapin ang duly certified exclusive bargaining agent of all rank and file employees of Goldilocks. At gumagawa ng lahat ng paraan para mawasak ang Bisig gaya ng pagpaparesign sa mga aktibo, iyong di masilaw sa pera ay ginawan ng sari-saring kaso na inireklamo nito sa NLRC.
Ang magulo ay ang NLRC. Na nag-order na makipag-CBA ang manedsment sa Buklod kahit walang kasong isinampa rito dahil nga di nito jurisdiction ang gayong kaso kundi ang DOLE. Magulo dahil dapat Bisig ang makipag-CBA hindi ang Buklod na talunan sa halalan. Magulo dahil ang Bisig ang nagsumbong laban sa manedsment at ang ibinabang order ng NLRC ay parusang pagtanggal sa mga nagsumbong! Saan ka nakakita na ang pinarusahan ay ang nagsumbong?
Ang magulo ay ang Buklod. Matapos matalo sa halalan ay gusto nitong siya pa rin ang tatayong unyon sa Goldilocks kahit isinuka na ito ng mayorya as per record ng BLR-DOLE.
Ang magulo ay IKAW Ginoong Paredes. Magulo ka dahil puro di totoo ang mga isinulat mo! Ano ba ang interes mo sa Goldilocks? Hindi namin hinihingi na mahiya ka sa aming mga manggagawa dahil kabisado naming ikaw ay maka-kapitalista. Mahiya ka naman sa kapwa mo dyornalista na objective magsulat at sa mga naging guro mo sa paaralan at mga magulang na humubog sa iyo. Maipagmamalaki ka ba nila?
Ikapitong kasinungalingan ni Paredes: Upang malaman kung sino ang tinatawag na “sole representative union.” Dinadaan sa botohan yan, at kitang-kita naman na walang dapat panigan ang kompanya. Ganoong-ganoon ang nangyari sa Goldilocks.
Ang totoo: Pinanigan ng Goldilocks management at NLRC ang natalong BUKLOD. Eto ang patunay: Kahit hindi case at bar, at wala sa jurisdiction nito, inutusan ng NLRC ang management na makipag-CBA sa natalong Buklod. At hinarap naman ng Goldilocks management ang Buklod sa isang negosasyon.
First time ito sa kasaysayan ng kilusang paggawa na utusan ng NLRC ang management na makipag-CBA sa natalong unyon at hindi sa DOLE certified sole and exclusive bargaining agent. Ang dapat—ang legal at tradisyon ay (1) DOLE hindi NLRC ang magsasabi kung sino ang sole and exclusive bargaining agent, (2) ang deklarado at certified sole and exclusive bargaining agent ang dapat harapin ng manedsment sa negosasyon, (3) ang nakasampang kaso lang dapat ang inaksyunan ng NLRC—ang notice of stike na naglalaman ng mga sumbong ng Bisig laban sa harassment at diskriminasyon ng manedsment.
Ginoong Paredes, di “sole representative union” ang tawag dun kundi sole and exclusive bargaining agent o SEBA.
Ikawalong kasinungalingan ni Paredes: Nauwi ang kaso sa NLRC (National Labor Relations Commission) ng DOLE. ….Pagkatapos ng matinding pagsuri at imbestigasyon, lumabas ang desisyon ng NLRC noong nakaraang Mayo 2009. Idineklara nito na walang kaduda-duda na panalo talaga ang BUKLOD. Siyempre, hindi na naman pumayag ang BISIG. Mismong NLRC na ang nagsabi, pero dayaan pa din daw. Talaga nga naman!
Ang totoo: Ang kaso ng eleksyon ay hindi sa NLRC dinidinig. Walang ganitong kaso sa NLRC. Sapagkat walang jurisdiction sa kasong eleksyon o intra-union o inter-union conflicts ang NLRC. Ito ay jurisdiction ng BLR-DOLE. At ito ay matagal ng tapos na kaso at ang BISIG nga ang sinertipikahan ng DOLE na sole and exclusive bargaining agent ng lahat ng manggagawang rank and file sa Goldilocks.
Ang kasong nasa NLRC ay ang illegal dismissal kay Joel Lachica, Pangulo ng Bisig na matagal ng nakabinbin sa NLRC at iba pang kaso ng harassment sa mga manggagawa. Hindi isyu sa NLRC kung sino ang panalo sa eleksyon!
Ikasiyam na kasinungalingan ni Paredes: …at wala ni isang kilos ang Bisig para sundan ang tamang daan.
Ang totoo: May dalawang (2) legal na opsyon ang manggagawa matapos ang order ng NLRC. Mag-apela sa Court of Appeals o magwelga. Parehong karapatan nila yan. Parehong garantisado ng mga batas—Labor Code at Konstitusyon ng Pilipinas. Di pwedeng sabay. Kailangang pumili ng isa lang.
Welga ang pinili ng mga manggagawa. Iyon ang napili nilang tamang daan ayon sa pagtaya nila sa kalagayan. Sino ka ba Ginoong Paredes para sabihin sa kanila ang “tamang daan”? Di mo nga nararamdaman ang kanilang pagpapakasakit. Di mo nga nakikikita ang kanilang paghihirap sa kamay ng manedsment. Di mo nga pinakikinggan ang kanilang panig. Ignorante ka pa sa batas paggawa!
Ikasampung kasinungalingan ni Paredes. Ayon kay Dina Portugez, na isang cake icer: “panalo naman talaga ang BUKLOD, ewan ko ba bakit hindi ito matanggap ng BISIG. Bumoto naman kami ng maayos, nabilang naman ng tama. Diba dapat kung ano ang napili ng nakararami, yun ang masusunod? Parang hindi alam ng mga BISIG kung ano ang ibig sabihin ng demokrasya.”
Ang totoo: Dalawa na silang sinungaling. Si Dina Portugez ay board member ng natalong Buklod. Isa siya sa benepisyaryo ng maiitim na pakana ng manedsment ng Goldilocks, NLRC, Buklod at ilang tao sa masmidya na kagaya ni Paredes. Sapagkat ang mga tuta na nagkukunwaring lider-manggagawa ay laging may bonus mula sa amo. Ganun na lang ang paninira ni Dina Portugez at ng manedsment sa Bisig dahil hanggang ngayon ay di pa nila matanggap na tinalo sila ng Bisig noong eleksyon 2007 kahit kakampi na nila ang manedsment sa paninira at pananakot sa mga manggagawa para huwag iboto ang Bisig noon.
Pero dahil gusto na ng manggagawa ng Goldilocks ng pagbabago kaya tinambakan ng 111 boto ng Bisig ang Buklod.
Iyan ang sampung kasinungalingan ni Horacio ‘Ducky’ Paredes na labag sa sampung utos.
Pawang kabaligtaran ng katotohanan at pambabaluktot sa katotoohanan ang sinulat ni Horacio Paredes. Nakatuntong sa pawang kasinungalingan ang kanyang mga argumento laban sa mga welgista.
Sa journalism, ang kauna-unahang rule na dapat sundin ay objectivity. Ibig sabihin, katotohanan lang. At ang facts na nakuha ay bini-verify muna ng ilang beses bago gamitin sa isang sulatin.
Saan kaya nakuha ni Paredes ang mga datos niya? Nagresearch ba siya sa mga records ng BLR-DOLE na siyang nagconduct ng Certification Election? At sa mga rekord ng NLRC kung anong kaso ang mga hawak nila. Inalam ba niya ang panig ng Bisig? Di lang panig ng manedsment at Buklod. Kung sinunod lang ni Paredes ang basic na itinuturo sa mga paaralan ng journalism, disin sana’y nakita niya sa kanyang pag-iimbistiga ang mga totoong nangyari.
Pero sa tagal na ni Paredes sa dyornalismo, tinubuan na siya ng tahid dito. Alam na alam niya ang basic rule ng objectivity sa journalism. Pero bakit nagawa niyang baliktarin ang totoo?
Sinlaki ng mundo na question mark ang agad na papasok sa ating isipan kung bakit ang kabaligtaran ng katotohanan ang isinulat ni Paredes. Question mark na tutungo sa pag-iisip agad na nabayaran ng MALAKI ng Goldilocks manedsment itong si Paredes para birahin nang todo ang mga welgista sa pamamagitan ng sandamukal na kasinungalingan at panigan ang kumpanya at ang natalong Buklod na company union.
Pero kahit na ang sagadsagaring maka-kapitalista na manunulat ay hindi tahasang isusulat na nanalo ang totoong natalo, hindi babaliktarin ang mga totoong nangyari para makasunod sa gustong propaganda ng among kapitalista. Bakit sinabi ni Paredes at ginawang batayan ng lahat ng kanyang argumento na nanalo ang Buklod kahit totoong talo, at iba pang kabaligtaran ng totoo?
Kahit ang mga kapitalista ng Goldilocks ay di kayang akuing kanila sa harap ng publiko ang mga kasinungalingang isinulat ni Paredes. Integridad at kredebilidad ang nakataya dito. Tunghayan nyo ang sariling propaganda ng kapitalista at makikitang nag-iingat pa ito sa pagbitaw ng mga salita at pinilit na itago ang mga kasinungalingan sa mga salitang nagkukunwaring makatwiran at makatarungan. Di gaya ni Paredes na tahasang kasinungalingan! Kahalintulad niya ay isang bangaw na nang matuntong sa kalabaw ay mas mataas pa sa kalabaw!
Matanda na kasi si Paredes. Siya na lang ang pwedeng tumanggap ng ganitong klaseng subcon mula sa mga kapitalista ng Goldilocks. Tamad ng mag-isip. Iyan ay natural na tunguhin ng katawan at isip ng tao, depende sa lifestyle at body constitution na minana sa genes ng mga ninuno. Dapat ay nagpapahinga na siya sa tumba-tumba. Kulang pa ba ang naipon niyang payola ng mga kapitalista sa kanyang pagsusulat laban sa mga manggagawa hanggang sa kanyang pinal na pamamahinga kaya niya sinulat yun?
Pero di pa mamamahinga si Paredes. Sapagkat siya ay isa sa mga bangaw sa midya. Ang masmidyang naglilingkod sa mga kapitalista at sistemang kapitalismo. Kahit multo ni Paredes ay tiyak na maglilingkod sa mga kapitalista!
Gem de Guzman, Member, Central Committee, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento