Ang naganap na panggugulo
sa picket line ng GOLDILOCKS
Noong Marso 19, ganap na ika 10:30 ng umaga, nilusob ng mga gwadya, lider ng talunang unyon at drivers ang mapayapang piket ng mga manggagawang kaanib ng unyon ng BISIG. Lumusob sila na may mga tali sa kanilang ulo at braso, nasa unahan nila ang dalawang closed van na puno ng iskerol at sa likuran ng unang van ay mga panatiko ni Junny Gachitorena (presidente ng natalong unyon) na may hawak na mga bato.
Nang harangin ng mga nagpipiket na manggagawa ang van sa harapan ng gate ng kompanya, isa sa panatikong lider ng Buklod ang kaagad dumukot ng buhangin sa kanyang bulsa at buong lakas na isinaboy sa mukha ng mga humarang na manggagawa. Ito ang naging hudyat ng sunod sunod na pambabato ng mga panatikong nakatago sa likuran ng van.
Walong manggagawa mula sa hanay ng nagpipiket ang kaagad tinamaan at nasugatan. Naobligang gumanti ang mga nagpipiket upang hadlangan ang tuloy tuloy na paglusob ng mga bulag na taga sunod ng management at ni Junny Gachetorena.
Kinukundina namin ang ginawang paglusob dahil;
Una, ligal ang nagaganap na welga! Tumalima ang unyong BISIG sa mga prosesong kinakailangan batay sa kahingian ng isinampang kaso. Patunay rito ang di paglalabas ng DOLE ng kautusang buwagin ang piketline.
Ikalawa, may nagaganap na conciliation sa DOLE sa pagitan ng unyon ng BISIG at mga abogado ng Management. Isang mapayapang solusyong pinagsisikapang panaigin ng mga nag-uusap kasama ang DOLE.
Ikatlo, kinukundina namin ang isang bungkos na mga panatikong nagsabog ng buhangin at nagpaulan ng bato sa piketline. Gayong alam na alam nila na maraming bata at asawa ng mga manggagawa ang nasa piketline.
Asawa at anak na dun na natutulog, kumakain dahil mahigit isang buwan na silang inalisan ng kabuhayan mula nang sila ay iligal na tinanggal sa trabaho noong Pebrero 8.
Ikaapat, kinukundina rin namin ang kapulisan ng Mandaluyong na hinayaang lumusob ang mga panatiko at makapanakit, gayong nakapwesto naman sila sa iisang lugar kasama ng mga panatiko bago lumusob. Salitang “hinayaan” na lang ang aming ginamit at hindi ang nabalitaan naming sila mismo ang nag-utos sa mga panatiko.
Ikalima, kinukundina rin namin si Junny Gachitorena na matapos isubo ang isang bungkos niyang mga panatiko ay kumaripas ng takbo, uminom ng shake at nagpalamig sa loob ng Pure Gold habang nakikipagbuno ang kanyang mga tauhan.
Itigil ang kultura ng pananakit at pagpatay sa mga manggagawa ng Goldilocks!
Ibalik sa trabaho ang mga manggagawang iligal na tinanggal!
Ihinto ang planong pagtatangal sa iba pang mga regular na manggagawa!
Wakasan na ang pag-eempleyo ng kontraktwal na manggagawa!
BISIG-AGLO-BMP