PICKET PROTEST AT WELGA SA GOLDILOCKS
HANGGANG CERTIFICATION ELECTION
HANGGANG CERTIFICATION ELECTION
Sa mahabang panahong balot sa takot ang mga manggagawa sa Goldilocks ay sinamantala ng Buklod ang mga pagkakataong itali at busalan sa bibig ang mga pobreng empleyado. Nagising na lang tayo na may unyon na pala sa Goldilocks sa katauhan ng Buklod. Unyon na walang ginawa kundi ang magpagamit sa management at pagkamal ng pansariling interes ng mga opisyales nito habang ang mga myembro ay nakalugmok sa abang kalagayan. Sa hindi na makayanang tiisin pa ng mga manggagawa ang palalang kalagayan nito ay unti-unting pinukaw ang damdamin na labanan ang di-makataong patakaran ng Buklod. Dito nagsimulang maghanap ng alternatibong unyon tayong mga manggagawa na hindi naman nabigo dahil naitatag natin ang isang tunay na unyon, ang BISIG.
Subalit sadyang sagad-sagad ang kawalanghiyaan ng Buklod. Matapos ilampaso ng BISIG sa eleksyon ang Buklod ay samu't saring pamemerwisyo ang ginawa sa BISIG. Nandyan ang ipakansela ang independent registration natin na ang tuwirang naperwisyo ay ang buong manggagawa ng Goldilocks. Hindi natinag ang BISIG at patuloy na lumaban at muli itong nagkaroon ng bagong legal personality bilang BISIG-AGLO.
Kung dati hindi lumalantad ang management sa pagwasak sa ating unyon, dito'y tuluyan nang nalantad ang mukha ng management na siyang operator ng lahat ng ito. Nang magsara ang SM Cubao branch ay sinamantala ito ng management. Itinapon sa provincial store ang mga aktibo nating tagasuporta kasama syempre ang pangulo ng BISIG na si Joel Lachica.
Kitang-kita ang intensyong wasakin ang ating unyon. Batid din nating lahat na maraming bakante dito sa Metro Manila na pwedeng paglipatan ng mga apektadong manggagawa. Dagdag pa ay ang pagbubukas ng bagong branch sa Ali Mall bilang kapalit ng nagsarang SM Cubao branch na katabi lamang nito. Sinundan pa ito ng mga panggigipit sa mga aktibong myembro at leader ng BISIG at pagbalewala sa ating demand sa management ng isang CBA sapagkat sa panahong iyon ay di pa naman final ang cancellation ng ating independent registration, bagay na nilinaw ng office of the secretary ng DOLE nang ibasura ang Motion for Reconsideration o MR ng Buklod at katigan ang BISIG bilang sole and exclusive bargaining agent o SEBA.
Nanatiling bingi ang management sa ating mga hinaing ng mga panahon na iyon. Hudyat upang pukawin natin sila at maghain tayo ng Notice of Strike o NOS. Sadyang binabalewala pa rin ang ating tinig sa mga concillation sa NCMB kung kaya inilunsad ng BISIG ang isang picket protest sa harapan ng planta noong Mayo 20 1t 27, 2008. Ito ay dinaluhan ng mga manggagawang naka-day-off, mga empleyadong tapos na ang duty at mga panggabi. Dito nakialam na ang Secretary of Labor. Naglabas ng Assumption of Jurisdiction o AJ. Hudyat para sa BISIG na itigil ang napipintong welga at bilang pagsunod na rin sa proseso ng batas.
Mayo 27, 2009 nang ideklara ng NLRC na welga raw ang inilunsad ng mga manggagawa sa Goldilocks noong Mayo 20 at 27, 2008 at ilegal daw ito. Kasama rin ang iba pang kaso katulad ng pag-transfer sa limang empleyado ng nagsarang SM Cubao branch, illegal suspension. Puro pabor sa management ang laman ng desisyong iyon, at Enero 2010, muling kinatigan ng NLRC ang naunang desisyon maliban sa pagkilala sa Buklod bilang bargaining agent kung saan binawi ng NLRC 6th Division (Comm. Nieves De castro, Comm. Benedicto Palacol at Isabel Ortiguera) naunang pagkilala sa Buklod bilang bargaining agent. Tayong manggagawa sa Goldilocks ang makapagsasabi na walang naganap na welga noong Mayo 20 at 28, 2008. Iyon ay piket protest lamang.
Pebrero 8, 2010, natanggap ng management ang nasabing desisyon at ura-uradang pinatawag at pinauwi ang mga manggagawang nakapaloob sa NLRC decision at pinapapunta sa Pacific Center upang pirmahan ang mga dokumento at tanggapin na ang pera bilang pagtangap sa desisyon ng NLRC. Ito ay isang tuwirang paglabag sa proseso ng NLRC rules. Una: kailangan matanggap muna ng kabilang panig ang desisyon; pangalawa: hintayin dapat ng management ang Entry of Judgment; pangatlo: pagtanggap ng Entry of Judgment, kailangan silang mag-file ng Petition for Writ of Execution at hintayin ang order at ang huli: mayroon pang 60 days period ang Bisig para iakyat ang apela sa Court of Appeals. Ang lahat ng ito ay hindi nirespeto ng management kaya't noong Pebrero 9, 2010, naghain na tayo ng NOS.
Sa mga conciliation ay nanatiling matigas ang management sa usapin ng pagtatanggal. Lalong naging kumplikado ang sitwasyon ng maging usap-usapan na sa Goldilocks na may 2nd batch pang tatanggalin na halos triple ang bilang kaysa nauna. Mismong Buklod pa ang namamalita nito na lubos na ikinaalarma ng organisasyon. Ito ang nagbigay ng matibay na dahilan sa Bisig na ilunsad na ang mga welga upang mahadlangan at bago pa magkatotoo ang pinapakalat ng Buklod na tanggalan.
Marso 11, 2010 bago mag-alas-tres ng madaling araw ay payapang nailunsad ng BISIG ang welga. May mga pagtatangka ang pulis-Mandaluyong na buwagin ang picket line ngunit nabigo ang mga ito nang harangin ng DOLE na siyang may exclusive jurisdiction sa welga. Tama at legal ang welgang inilunsad kaya't hindi ito nabuwag. Ang hindi natin maubos maisip kung anong tason o lohika meron ang Buklod at nagpasya itong lusubin ang picket line at pagbabatuhin ang mga nagwewelga. Anong pakinabang nila kung mabuwag o matalo ang mga welgista? May mawawala ba sa kanila kapag nagtagumpay ang welga? Malinaw na walang rason para gawin nila ito. Huwag nilang sabihin na papasok sila sa trabaho ng araw na iyon, na batid nilang wala pang pasok. Mayroon bang papasok sa Goldilocks na ang laman ng bag ay bato at may mga nakasupot na buhangin sa bulsa?
Mapalad tayo sapagkat nasa atin ang gabay ng Panginoon. Marahil dahil nasa tama ang ating ipinaglalaban at sa mga panalangin natin at dasal ng mga pari na nag-alay ng misa sa picket line. Akalain ba nating may Buklod officer na nabuksan ang isip at nagmalasakit sa mga nagwewelga na siyang nagbigay sa atin ng mga detalye ng planong paglusob ng mga alipores ni Junny. Sa una, mahirap paniwalaan at pagkatiwalaan dahil siya ay opisyal ng Buklod, pero nang ilantad niya sa atin ang pangalan niya at tumawag pa para sa pagkakakilanlan, doon unti-unting nabuo ang tiwala natin sa kanya. Binigay niya ang bawat detalye ng plano nila sa plan A at plan B, kasama na ang panel na sasakyan ng mga tao, ang sasakyan ng motorpool na magbabakod ng gate, oras ng pag-atake at iba pang detalye. Sa iyo, di man namin mailantad ang pangalan mo dito para sa iyong kaligtasan at seguridad. Batid naming alam mong ikaw ito. Saludo kami sa iyong katapangan at asahan mong nasa likod mo kami sa oras na iyong kailanganin ang BISIG.
Kahandaan, determinasyon at pagkakaisa ang naging sandata natin kaya nagtagumpay ang ating welga. Marso 26, 2010 nang pirmahan ng BISIG at Management ang agreement bilang hudyat ng pagtatapos ng welga at pagkilala ng Management sa demands ng BISIG sa gabay ng DOLE-NCMB.
Ikinararangal at kinikilala ang tapang na ipinamalas ng mga myembro nang ipinagtanggol ang picket line sa tangkang buwagin ito at lusubin ng Buklod. Ipinagmamalaki rin ng BISIG ang pangulo nito na si Joel Lachica sa ipinakitang katapatan na ipaglaban ang kapakanan ng mga manggagawa na tumindig sa unahan ng labanan bilang pinuno na handang suungin ang panganib sa kamay ng kaaway ng walang pag-aatubili at hindi piniling iwanan sa gitna ng bakbakan ang mga tagasuporta at magpalamig sa Puregold.
Mga myembro na handang dumamay at ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng kapwa manggagawa. Lider na matatag, may prinsipyo at mapagkakatiwalaan. Unyon na tunay at palaban. Ito ang dapat nating suportahan. Ang takot ay nasa isip lamang. Tayo na't sama-samang lumaban upang ang takot ay wakasan. Nasa ating kamay ang pagkakataong baguhin ang ating kapalaran at kinabukasan sa isang malinis na halalan. BISIG lang ang ating maaasahan. Tulong-tulong nating ipanalo ang laban sa darating na Certification Election. Mabuhay tayong lahat!
Bukluran ng Independyenteng Samahan
na Itinatag sa Goldilocks (BISIG)