BUKAS NA LIHAM PASASALAMAT
Pagpupugay sa Tagumpay ng Welga!
Sa kapwa ko mga manggagawa, kasama, kaibigan at mga kumpare’t kumare, ako ay lubos na nagpapasalamat sa inyong mga naging papel at napagtagumpayan natin ang welga. Hindi lang ang mga personal na nakibahagi sa picketline bagkus ang lahat na mga manggagawa sa Goldilocks ay may kanya-kanyang papel na ginampanan na naging ambag ng bawat isa sa nagdaang welga. Alam naming mga nasa picketline na kahit wala kayo doon ay nasa likod namin kayo at sa puso ninyo’t isipan ay naroroon ang inyong paghahangad at dalangin na manalo ang welga. Ito ang nagbigay sa amin ng lakas at inspirasyon upang lumaban at itaas ang ating bandila ng pakikibaka sa ngalan ng ating pagkakaisa na mabago ang kalagayan nating mga manggagawa dito sa Goldilocks.
May mga pagsubok na minsan ay halos hindi na natin makayanan. Mga pangyayaring tumatatak sa ating isipan na kung bakit nangyayari ang mga ito. Sa maniwala kayo’t sa hindi, sa personal kong karanasan, ito ang nagbigay sa akin ng lakas upang lumaban sa hamon ng buhay at ito’y ating napagtagumpayan!
Sa panahon ng welga, maraming pagsubok ang aming sinuong. Nandyan ang halos araw-araw na pagtatangka ng mga pulis Mandaluyong na buwagin ang picket-line at mga panganib na hindi inalintana ng lahat. Ngunit ang lubos na napakasakit para sa amin ay ang panahon na mismong mga BUKLOD ang lumusob at paulanan ng bato ang ating mapayapang picketline. Napakahirap tanggapin na kapwa manggagawa ay magkakasakitan samantalang iisa lang at pare-pareho ang hinahangad na mapabuti ang kalagayan at proteksyon sa trabaho na siyang pangunahing diwa ng inilunsad na welga. Labag man sa aming kalooban, ay wala na kaming mapagpipilian, obligado na kaming ipagtanggol ang welga at ang ating karapatan.
Hindi ko ginustong makasakit at di ko rin gustong masaktan ng mga oras na iyon pero ang higit sa lahat na hindi ko magagawa ay iwanan sa gitna ng kaguluhan ang aking mga kasamahan. Bilang lider ng unyon, itinanim ko na sa aking isip na dapat ako ang nasa unahan ng bawat laban. Obligasyon ko na protektahan at ipaglaban ang bawat miyembro ng organisasyon, ito man ay sa welga at pagtatanggol sa mga kasamahan na ginigipit at hina-harass sa trabaho.
Iba't ibang balita ang nakakarating sa inyo tungkol sa nagdaang welga. Karaniwan pa ngang negatibo at kabaligtaran ng totoong pangyayari ang bitbit na balita ng BUKLOD. May mga text pa ngang ipinapakalat na kunwari ay BISIG supporter ang gumawa at nagsisisi sa pagsuporta sa BISIG. Nakakataba ng puso at ako'y labis na nagagalak sa ginagawang ito ng ating kalaban. Ito ay isang malinaw na pag-amin ng BUKLOD at pagpapakita na sila ay napapag-iwanan na sa kangkungan. Tumutuntong na sa desperadong pamamaraan na tiyak sa lubluban ng kalabaw dadamputin dahil mahirap paniwalaan. Asahan na rin natin na marami pang black propaganda ang ibabato sa akin at sa BISIG, mga kuwentong gawa-gawa at paninira sa organisasyon na sa huli ang kalalabasan ay nais lamang na ibenta ng BUKLOD ang sarili mula sa putik na kanilang kinalulubluban.
Taas noo kong ipinagmamalaki ang naipanalo nating welga! Ang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan sa pagitan ng BISIG-AGLO at MANAGEMENT sa gabay ng DOLE-NCMB ang siyang patotoo na napagtagumpayan ng mga manggagawa ang welga. Walang MOA na magaganap at patung-patong na kaso ang kakaharapin ng mga opisyales kung talunan ang welga. Sa katunayan, may bitbit pa nga tayong bagahe ng panalo nang kilalanin at ibigay ng management ang ating mga kahilingan na inyong matutunghayan sa nasabing MOA.
Alam ko at alam rin ninyong lahat na hindi pa ito ang dulo ng ating laban. Huwag nating hayaan na masayang ang naumpisahang panalo sa welga. Sa darating na Certification Election ay samahan ninyo akong muli at magtulong-tulong tayo na maipanalo ang laban upang lubos nating mapagwagian ito. Suportahan ang tunay na unyon, BISIG-AGLO para sa PAGBABAGO!
JOEL O. LACHICA
Pangulo
BISIG-AGLO