Harapin ang Hamon, Lubusin ang Tagumpay!
Biguin ang Sabwatang Pakana ng Management at mga Alipures nito!
Biguin ang Sabwatang Pakana ng Management at mga Alipures nito!
Sa kabila ng patuloy na pandarahas ng kumpanya, kasama ang mga masusugid na alagad at galamay nito, ay nagpatuloy ang ating mahigpit na pagkakaisa at pagsusulong ng ibat-ibang porma ng sama-samang pagkilos upang biguin ang anumang pagmamalupit sa atin ng management, igiit ang ating mga lehitimong karapatan at ipagtagumpay ang ating mga makatuwirang kahilingan. Ito ang nagdala sa ating lahat sa bagong kalagayan na halos abot-kamay ang tagumpay. Isa-isahin natin ang mga mahahalgang pangyayari:
Hinggil sa isyu ng Certification ng BISIG, naging sunod-sunod na pagkatalo ang inabot ng BUKLOD. Nabigo ang mga ito na kilalanin sila bilang lehitimong unyon sa Goldilocks nang ibasura ng Court of Appeals at Supreme Court ang kanilang apela. Sa pangyayaring ito, nag-anyong zombies ang KMG-KMM-Katipunan na mula sa malalim na hukay ng libingan ng unyon sa kumpanya ay bigla itong nabuhay at naghain ng intervention sa Motion for Reconsideration ng BUKLOD sa Supreme Court, at kanilang inaatungal na parang asong ulol na huwag isama ang BISIG-AGLO sa nalalapit na Certification Election.
Ganito rin ang nangyari sa OBRERO-GOLDEA, na nagtatago sa 190 movers, bukol ang inabot nang ibasura ng Court of Appeals ang kanilang alulong na buksan ang sinasabi nilang 190 segregated ballots na mga miyembro raw nila ngunit sa katotohanan ay pawang mga Pro Tech na exempted at excluded sa union membership ayon mismo sa CBA nila sa management.
At sapagkat nalalapit na ang Certification election, nagpakawala ng panibagong panggigipit ang management nang hindi nito ipinatupad ang extension ng payroll reinstatement ng ilan sa BISIG-AGLO officers, leaders at iba pa nating mga kasama. Pinahirapan sila ng management bunga lamang ng aktibong paglahok sa makatuwirang pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks.
Sa magkakasunod na pakikipagharap sa management ng mga kinatawan ng BISIG-AGLO sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB-NCR) mula Agosto hanggang kalagitnaan ng Setyembre ng kasalukuyang taon, binigyan natin ng prayoridad ang pagtatangka ng management na bigyan ng poor o bagsak na performance rating ang mga inaakala nilang BISIG-AGLO leaders, members and followers. Hindi tayo nabigo sa isyung ito sapagkat napatigil natin ito.
Binigyang diin rin natin ang usapin ng hindi sana pagpapatupad ng Wage Orders No. 15 ng management sa mga kasama natin sa mga provincial stores. Sa mga naganap na kumperensiya, naobliga ang management na ipatupad ang naging kalakaran na sa pagpapatupad ng mga wage orders at ito’y natanggap ng mga kasama at kapatid natin noong Setyembre 18, 2010.
Maging ang twenty (20) days suspension ni Elma Hilario ay napaikli natin ng twelve (12) days at binayaran ang kanyang walong (8) araw na sahod. Ganoon din ang illegal deduction kay Ed Pante na kagagawan ni Buklod President Junny Garchitorena ay naipatigil natin.
Naglabas na ng Execution Order ang DOLE-NCR sa Certification election decision ng Court of Appeals sa asuntong BUKLOD vs. BISIG and Honorable USec. Romeo Lagman, sa pamamagitan ng pagpapatawag ng Pre-election Conference sa DOLE-NCR, upang isakatuparan ang Certification Election. Ito ngayon ang ginugulo ng mga “zombies” at galising aso ng kumpanya. Sabay-sabay na nagtahulan at umaalulong ang mga ito upang hindi isama ang BISIG-AGLO sa certification election. Ang hakbang na ito ay panibagong karahasan laban sa atin. Ganoon pa man, ang lahat ng kanilang hakbangin laban sa mga manggagawa ay pupulutin sa basurahan.
Mga kasama at kapatid sa paggawa, naaaninag na natin ang liwanag ng lahat ng ating pinaghirapan. Ang kailangan natin ay ibayong pagkakaisa upang kumpletuhin ang ating tagumpay sa ating mga kahilingan:
1. Isakatuparan ang Certification Election sa lalong pinakamadaling panahon!
2. Ibalik ang lahat ng mga tinanggal sa trabaho bunga ng aktibong pag-uunyon!
3. Biguin ang panggigipit laban sa mga manggagawa!
BISIG-AGLO-BMP
Bukluran ng Independenteng Samahan na Itinatag sa Goldilocks -
Association of Genuine Labor Organizations -
Bukluran ng Manggagawang Pilipino
September 29, 2010
Bukluran ng Independenteng Samahan na Itinatag sa Goldilocks -
Association of Genuine Labor Organizations -
Bukluran ng Manggagawang Pilipino
September 29, 2010