Sabado, Nobyembre 6, 2010

Singilin ang Buklod at si Junny Garchitorena

Provincial Rate at Provincial Wage Increase,
Singilin ang Buklod at si Junny Garchitorena


Ang dalawang dekadang panunungkulan ng Buklod sa ating unyon ay ang siyang nagbigay dahilan sa atin upang magkaisa at suportahan ang tunay na unyon. Unyon na kakalinga at magsusulong sa interes nating mga Manggagawa. Bagay na hindi natin naramdaman sa panahon ng Buklod.

Dalawang pangulo ng Buklod sa dalawang dekadang panunungkulan. Pamunuan ni Alfredo Navasca noong una at nitong huli ay pamunuan ni Junny Garchitorena. Dalawang liderato na walang ipinag-iba sa isa't isa. Nagbihis lang ng anyo ang Buklod sa porma ng pagpapalit ng pinuno o pangulo upang pagtakpan at payapain ang mga Manggagawang dismayado na sa ginagawa ng Buklod. Ito ang istilo ng Buklod upang maipagpatuloy ang kanilang misyon at tradisyon ng pag-uunyon. Ang patuloy na paglilingkod sa Management laban sa interes at kapakanan nating mga myembro at Manggagawa.

Inakala natin noon na maiiba ang direksyon ng Buklod sa sandaling mapalitan ni Junny Garchitorena si Alfredo Navasca. Umasa tayong lahat sa REPORMANG ipinangako ni Junny Garchitorena kapag muling ibinoto ang Buklod sa ilalim ng kanyang pamumuno. Ito pala ay pangako lamang upang siya ay makapwesto.

Mabuti-buti pa nga sa panahon ni Alfredo Navasca ang kalagayan nating mga Manggagawa kaysa sa panahon ni Junny Garchitorena. Noong panahon ni Alfredo Navasca ay hindi niya pinapayagan na ilagay sa provincial rate ang mga kasama natin na naa-assign sa mga probinsya. Kapag may wage increase noon ay sabay-sabay sa lahat na ipinapatupad. Ito ang nararapat dahil nakapaloob tayong lahat sa iisang CBA.

Ito naman ang panahon ni Junny Garchitorena. Ang panahon na hindi lang ang interes at kapakanan ng mga Manggagawa ang nabalahura. Sa panahong ito lumutang ang sangkaterbang anomalya sa pera. Huwag na nating isa-isahin pa, sa dami nito ay tiyak na hindi magkakasya ang pahinang ito. Sa panahon din ni Junny Garchitorena ipinatupad ang provincial rate at provincial wage increase na nakabatay sa kani-kaniyang probinsya. Kung dati ang mga bagong regular ay otomatikong may dagdag sahod, ngayon ay nawala na ito. Ang lahat ng ito ay bukaspalad nyang tinanggap at yinakap. Hindi natin sya nakitaan ng pagtutol upang harangin ito.

Sa mga kasamang Manggagawa na naka-asign sa mga probinsya, ito po ang dahilan kung bakit tayo ay napasailalim sa provincial rate at nakabatay ang ating dagdag sahod sa ating mga probinsya. Si Junny Garchitorena at ang Buklod ang may kasalanan sa dinaranas natin ngayon. Singilin natin sila sa kasalanang ito sa darating na Certification Election upang maputol na ang ganitong kalakaran at maituwid ang ating sistema sa mga wage increases at implementasyon nito.

Higit kanino man, tayong mga Manggagawa sa provincial stores ang may sapat na dahilan para sa PAGBABAGO at TALIKURAN ang Buklod. Hindi natin makukuha sa Buklod ang hinahanap natin sa isang unyon. Napatunayan na natin ito ng magsawalang-kibo ang Buklod sa pagpapatupad ng wage order #15. Sa halip na tulungan tayo ay Discouragement pa ang kanilang tugon sa mga kasamahan nating nagrereklamo. Pagpapakita ito ng kawalang interes na tulungan ang mga myembro at mga Manggagawa. Ang lahat ay ipinapaubaya na lang sa Management kahit kitang-kita na nalalabag ang ating mga KARAPATAN.

Mapalad tayo at naririyan ang Bisig-Aglo na hindi nagdalawang isip na tulungan tayo sa ating hinaing. Agad nila itong idinulog sa Department of Labor noong Agosto. Naipatupad at natanggap natin noong September 18 kasama ang back-pay mula July 1, 2010.

Suportahan natin ang Pagbabagong Programa ng Bisig-Aglo. Huwag nating ipagpalit ang ating Kinabukasan sa Pananakot ng Buklod. Habang-buhay na lang ba tayong matatakot? Ibasura na natin ang Buklod at nang matapos na ang pananakot. December 1, 2010 ang araw ng Paniningil at Pagbabago. Bisig-Aglo na tayo!

Pahayag mula sa:
Goldilocks Provincial Workers
for Bisig-Aglo Movement (GPW 4 BAM)

November 2010