AYAW DIN NAMIN SA WELGA
.
Sino ba ang gustong magbilad sa araw, matulog sa lansangan, at ano mang oras ay pwede kang masaktan. Ilan lamang ito sa mga suliranin na sinusuong sa piket line. Sino ngayon ang gugustuhin ang ganitong buhay para sabihing kapag Bisig-Aglo ang manalo ay puro welga ang gagawin. Tao rin naman ang mga Bisig-Aglo, empleyado at mga breadwinner na kagaya ninyo. Walang ipinag-iba sa isa’t isa ang ating mga pangangailangan.
.
Walang gagong Manggagawa na magnanais na ipasara ang kanyang pabrikang pinapasukan. Alam na alam niyang ito ang kanyang pinagkukunan ng kanyang kabuhayan kasama na ang kanyang pamilya. Mga kondisyon na hindi nanaisin ng isang empleyado na mangyari dahil lamang sa pag-uunyon. Nag-uunyon ang mga Manggagawa upang palakasin ang kanilang bargaining power sa pamamagitan ng kolektibo at sama-samang porma ng pakikipagtawaran sa Management. Kabilang na dito ang karapatan sa makatuwirang sahod, benepisyo, maayos na kalagayan sa trabaho at makataong pagtrato sa pamamagitan ng CBA.
.
May mga pagkakataon na naoobligang suungin ng unyon ang isang mapanganib at mapangahas na hakbang at maglunsad ng welga. Ito ang pinakahuling opsyon na pikitmatang gagawin ng unyon upang ipaglaban ang kapakanan ng kanyang kasapian o myembro. Panggugulo ang tawag dito ng Management. Ang gusto ng Management ay maging sunud-sunuran tayo sa lahat ng ginagawa nila kahit labag sa ating kalooban. Huwag natin pupunahin ang kanilang pagmamalabis, paglabag sa ating mga karapatan. Sukdulang tanggalin sa trabaho ay bukaspalad pa ring tanggapin para walang gulo. Magmistulang alipin na walang Kalayaan at Karapatan. Ito ang tinatawag na KATAHIMIKAN ng Management. Natural na ganito rin ang katangian ng Management Union, sapagkat hindi naman ang mga Manggagawa ang kanyang pinaglilingkuran kundi ang Management na kanyang Panginoon.
.
Kritikal ang kalagayan nating mga Manggagawa ngayon. Kitang-kita natin ang mga nangyayari sa ating paligid at mismong dito sa atin sa Goldilocks. Nilalamon na tayo ng patakarang CONTRACTUALIZATION. Tinatanggal ang mga Regular na mga Manggagawa, may dahilan man o wala, upang palitan ng Manggagawang contractual. Isang patakaran upang makatipid sa gastusin sa pasahod at magkamal ng limpak-limpak na tubo. Hindi ito gawa-gawang kwento para lamang himukin kayong iboto ang Bisig-Aglo. Ito ay reyalidad na hindi kaila sa ating lahat.
.
Libo-libong Manggagawa ang nakapila sa DOLE araw-araw upang magreklamo sa mga illegal na tanggalan dahil papalitan na sila ng contractual na Manggagawa. Maaring hindi ngayon, bukas o makalawa tayo tatamaan nito, pero sa maniwala kayo o hindi, batid nating lahat na nalalapit na tayong tamaan nito na dapat ay pinaghahandaan na natin ngayon.
.
Mahalagang papel ang gagampanan ng unyon sa ganitong kakaharaping laban ng mga Manggagawa. Dapat handang ipaglaban ng unyon ang kasiguruhan sa trabaho ng buong Manggagawa at hindi mananahimik lamang at sunud-sunuran sa kagustuhan ng Management. Nasaksihan na natin ito nang pagtatanggalin ang mga Baker sa Bread Plant, mga Sanitation sa Cake Plant at mga Cook sa Store na walang pagtutol ang unyon.
.
Siguraduhin natin na Tunay na Unyon ang Manalo, Unyon na Handang Ipaglaban ang ating Kasiguraduhan sa Trabaho.
.
BISIG-AGLO ang IBOTO, No. 3 sa Balota!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento