Lunes, Nobyembre 1, 2010

Goldilocks Employees, Gumising sa Katotohanan!

SAGOT AT PAGLILINAW SA BULLETIN NG
BUKLOD NA MAY PETSANG SEPT. 30, 2010
(Oktubre, 2010)

Goldilocks Employees, Gumising sa Katotohanan!

Nagising na ang mga empleyado ng Goldilocks kaya nauulol na ang BUKLOD! Ang ipinaglalaban ng BISIG-AGLO ay ang pagpapatupad ng strike settlement agreement o Memorandum of Agreement noong March 26, 2010 sa pagitan ng BISIG-AGLO at management. Kasunduan na naging hudyat upang wakasan natin ang isinagawang welga. Kabilang sa maraming napagkasunduan ang payroll reinstatement. Hindi simpleng kagustuhan lang ito ng BISIG-AGLO na sumahod kahit hindi nagtrabaho gaya ng inaakala ng BUKLOD. Ito ay kasunduan sa pagitan ng Goldilocks management at BISIG-AGLO na naaayon sa batas at pinangasiwaan ng Department of Labor and Employment-National Conciliation and Mediation Board (DOLE-NCMB).

Sino ba sa Goldilocks ang sumasahod na wala namang ginagawa or in short palamunin ng kumpanya. Huwag magmalinis ang Buklod at ibato sa amin ang putik sa kanilang mukha. Ilan taon na bang pinapasahod ng kumpanya si Junny Garchitorena at Tito Federio na wala namang ginagawa? Huwag ninyong sabihin na full time kayo sa unyon. May ginagawa ba kayo o may pinagkakaabalahan para sa unyon at kagalingan ng mga manggagawa upang patuloy na sumahod ng hindi nagtatrabaho. Alam na alam ng lahat na sumasahod kayo na walang ginagawa (sige nga, sabihin nyo kung anong serbisyo ang nagawa ninyo sa mga empleyado – ang tanging nagawa ninyo ay ang udyukan na magpabayad ang ilan sa pamamagitan ng pagsasabing “pirma na noy!”)

Ang welga ay armas at kalasag ng mga manggagawa sa pagmamalabis ng kumpanya. Ito ay seryosong pina-plano at walang pinipiling panahon o okasyon. Nakahandang tumindig ang isang tunay na union ano mang oras para sa kapakanan ng kanyang mga miyembro at buong organisasyon. Hindi dapat katakutan ng isang manggagawa at unyon ang armas na ito na naaayon sa batas at bahagi na ng mahaba at makasaysayang karanasan ng mga manggagawa. Sa kabilang banda, katangian ng isang company union ang maging takot sa welga. Kasabihan na ang tuta, lumaki man at maging aso ay iisa ang katangian at karakter nito - ang maging sunod-sunuran sa kanyang amo.

Kailan naman naging maliwanag ang pasko ng mga taga-Goldilocks sa panahon ng panunungkulan ng BUKLOD upang sabihin ng mga ito na magiging madilim ang pasko kapag nagwelga. Para sa mga taga-goldilocks, ang pasko ay panahon ng pagsasakripisyo, kayod kalabaw at mahabang oras na pagta-trabaho. Mahabang oras na nagta-trabaho upang may ipambayad sa tubo man lang ng kanilang pagkakautang. BUKLOD rin ang pasimuno ng mga pautang na sa kalaunan ay dagdag pasakit hanggang sa nabaon ang mga manggagawa sa utang at kahirapan. Sa halip na paglingkuran ang mga nagigipit na mga manggagawa ay pinagkakakitaan pa ito. Sinasamantala ang kapwa sa oras ng kagipitan. Kalat na kalat ang impormasyon na maraming mga kasamahan natin ang pinadalhan ng demand letter o sinisingil ng mga lending company samantalang matagal na silang nakapagbayad sa BUKLOD. Saan naman kaya napunta ang mga perang kinaltas sa mga kasamahan natin bilang kabayaran sa utang.

Nito lamang Oktubre 15, 2010 ay pormal na nagkasundo ang BISIG-AGLO at GBSI sa tulong ng DOLE-NCMB hinggil sa mga usaping nakapaloob sa Notice of Strike. Ito ang pag-uusap na pilit ginugulo ng BUKLOD at nagawa pang magprotesta sa harapan ng DOLE-NCMB. Sa bisa ng nabuong kasunduan ay nagkaisa ang magkabilang panig na i-terminate na ang Notice of Strike o ang napipintong welga.

Sobra na ang pang-aalipusta ng BUKLOD sa mga empleyado. Maliwanag ito sa kanilang bulletin nang sabihin nila na pinapakain tayo sa palad ng management. Para bang hindi natin pinagpapaguran ang kakarampot na pinapasahod sa atin ng kumpanya. Pilit isinasaksak ng BUKLOD sa kaisipan ng mga empleyado na tanggapin natin na tayo ay mga alipin na walang kalayaan. Sobra kawalanghiya talaga ang mga opisyales ng BUKLOD. Hindi lang BISIG-AGLO ang tinutumbok. Tagos ito sa lahat ng mga manggagawa na kumikita sa pamamagitan ng sahod, mapa-BISIG-AGLO, KMG, OBRERO at mga tagasuporta ng BUKLOD mismo. Ganyan nila tayo tratuhin.

Binastos, binaboy at binalahura ng mga opisyales ng BUKLOD ang pagkatao ng lahat na empleyado ng Goldilocks. Hindi ito gawain ng isang matinong lider manggagawa. Sapagkat ang unyon ay itinatatag upang ipagtanggol ang karapatan at dignidad ng mga manggagawa nang sa gayon ay mabigyan ng tamang pagkilala ang mga manggagawa sa kanilang mga naiambag na yaman sa lipunan. Kaalinsabay nito ay maiguhit ang mahalagang papel na ginampanan nila sa bawat nalikhang bagay na naging kapakinabangan ng sangkatauhan at buong lipunan. Sa sobrang kahibangan ng BUKLOD, nakalimutan na nilang mga empleyado rin sila. Sarili nila mismong pagkatao ay binastos, binaboy at binalahura nila. Sa pahayag nilang ito, malinaw na tanggap nila na mga alipin sila at mga taong walang dignidad. Sa mga iilan na nabubulag pa ng BUKLOD, mag-isip-isip na kayo. Papayag ba kayong ituring na mga alipin lamang? Ang pagtalikod ninyo sa BUKLOD ay nangangahulugan na tinatalikuran nyo na rin ang pagiging alipin sapagkat ang mga naniniwala sa BUKLOD ay naniniwalang mga alipin rin sila. Magsama-sama tayong lahat na may mataas na pagtingin sa ating kakayahan bilang mga manggagawang may dangal, dignidad at pagpapahalaga sa ating sarili.

Eleksiyon na naman sa Goldilocks

Mabuti naman at umamin ang BUKLOD na mag-e-eleksiyon uli sa Goldilocks. Sa mga nagdaang araw, grabe ang pagdidiin nila na walang magaganap na eleksiyon (ano ngayon! Di bukol na naman ito sa inyo BUKLOD). Pilit itinatago ng BUKLOD ang totoong nilalaman ng desisyon ng Court of Appeals (CA) hinggil sa usapin ng representation issues sa pagitan ng BUKLOD at BISIG-AGLO. Hindi totoong ayon sa CA ay tingnan ng DOLE ang posibilidad na magkaroon ng panibagong certification election sa Goldilocks.

Ang totoong sinasabi ng CA sa DOLE ay maglunsad ng panibagong certification election sa Goldilocks sa dahilang hindi nararapat kilalanin ang BUKLOD bilang nanalong unyon sa nakaraang certification/run off election. Wala ring katotohanan ang sinasabi ng BUKLOD na hindi kasama ang BISIG-AGLO sa eleksyon. Ang usaping ito ay umabot na sa Supreme Court (SC) at ang usaping ito ay hindi na pending sa CA at SC. Ito ay pinal ng tinuldukan ng Supreme Court, noong Sept 15, 2010, nang ibasura ang kanilang “Motion for Reconsideration” at “Motion for Intervention” ng KMM-Katipunan. Wasto lamang na sabihin ng BUKLOD na hindi kasali ang BISIG sa darating na eleksiyon sapagkat BISIG-AGLO na tayo ngayon at ito ang kasali sa eleksiyon. Pilit na hinuhukay ng BUKLOD ang mga isyung nakabaon na sa libingan. Matagal nang kanselado ang BISIG (as independent union). Nag-organisa tayo ng panibagong unyon bilang BISIG-AGLO na rehistrado sa Department of Labor and Employment (DOLE). Sino ngayon ang desperado?

BUKLOD ang talunan mula sa DOLE hanggang sa Supreme Court sa usapin ng representation at pati ang usapin ng segregated votes ay naging pinal na rin CA. Samantalang ang BISIG-AGLO ay nagpapatuloy sa ibat-ibang anyo ng mga pagkilos upang ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa ng Goldilocks kabilang ang huling kasunduan sa sa DOLE-NCMB na nakapaloob ang maraming usapin para sa ikabubuti nating mga manggagawa. Ito po ay hindi gawa-gawa lamang. Ito ay tinindigan ng BISIG-AGLO sa isang seryosong labanan.

Kung mayroong desperado, walang iba kundi ang BUKLOD, OBRERO at KMM-Katipunan na naiwan na sa kangkunan ng kasaysayan ng pag-uunyon sa Goldilocks. Sabihin pa man na sustain ang NLRC case sa unang desisyon ng CA, mahaba pang proseso at panahon ang gugugulin nito. Nakakatiyak ba ang BUKLOD na hanggang sa huli ay susuportahan sila ng mga kakampi nila sa management at papanigan sila ng Supreme Court?

Malinis ang ating konsensiya dahil nasa katotohanan ang ating ipinaglalaban at hindi kasinungalingan. sa banding huli, lilitaw at iiral ang tama at hustisya. Walang welgang naganap noong Mayo 20 at Mayo 27, 2008. alam nating lahat iyan!

SUPORTAHAN AT ITAGUYOD ANG BISIG-AGLO

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento